Saturday, April 5, 2014

LUNGKOT, PAG-AALALA AT PAGTITIWALA




Sobrang nakaramdam ako ng pagkalungkot ngayon... Mabuti pa hindi ko na lang tinanggal lahat ng laman ng backpack ni Yam upang iligpit na sana dahil hindi na gagamitin ang mga ito... Tila pamamaalam na rin sa kanyang elementary and high school days na naging malaking bahagi ng buhay naming lahat lalo na ng aming anak. Bagama't papasok pa naman siya sa kolehiyo bilang panibagong yugto ng kanyang buhay, iba pa rin ang 'tender years' na nagdaan. Bumabalik sa aking alaala noong grader pa siya.



Nag-resign ako sa trabaho noo at nag full time ako sa kanya para lamang masubaybayan ko siya. Ang asawa ko ay nag-aabsent sa office para lamang mag attend ng mga activities ni Yam sa school. Maraming hirap at pagtitiis ngunit marami rin namang kasiyahan at kagalakan na kaakibat na talagang hindi ko na makakalimutan kailanman. Ayoko nang isipin… Tapos na ang labing-dalawang taong singkad.




Ngayon ay tinitingnan ko ang aking anak sa kanyang pagkakahiga sa kama… Naisip ko lang, ano kayang kapalaran ang naghihintay sa kanya? Panibagong pakikipagbaka sa kolehiyo na harinawang maging matagumpay na matapos niya ito. Ang mas higit ko lang ikinababahala ay ano kaya ang kanyang magiging buhay pagkatapos ng kolehiyo?


Alam kong hindi niya kayang sumabay sa agos ng buhay na mag-isa. Naisip ko, sana naging batang musmos na lamang ang aming anak habang buhay at nang sa gayon ang kanyang mundo ay umiikot na sa mga payak na bagay lamang. Ngunit anuman ang mangyari, hinding-hindi naming siya pababayaang mag-isa. Kung kailangang pati kami ay gumamit ng ‘sagwan’ o ‘boat paddle’ upang makasunod lamang siya sa agos ng buhay sa mundong ito ay aming gagawin. 


May Diyos na nakaagapay sa kanya at naniniwala ako na may nakalaang magandang bukas ang Ama para sa aming pinakamamahal na si Yam.